Asahan na umano ang patuloy na mutation at pagsulpot ng iba’t ibang lineage ng Covid-19 sa mga darating pang panahon.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Health na nakapasok na rin sa Pilipinas ang Omicron sub-variant BQ.1 na sinasabing nagdudulot ng panibagong pagtaas ng mga kaso sa U.S. at ibang panig ng Europa.
Ayon kay D.O.H. Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang matutunan ng lahat na mamuhay kasama ang COVID-19 kaakibat ang ibayong pag-iingat sa kalusugan.
Natural anyang sumulpot ang mga bagong variant kung patuloy ang transmission nito at ang pinakamabisang gawin ng lahat ay limitahan ang pagkalat nito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng proteksyon ng mga sarili at mga establisimiyento.
Binigyang-diin ni Vergeire na dapat maintindihan ng publiko ang uri o abilidad ng virus at iwasang umasa sa pagsasawalang-bahala kung mahahawa o hindi kapag bumababa ang kaso.
Sa kabila nito, muling tiniyak ng DOH official na nananatili sa “low risk” ang healthcare utilization sa bansa at palaging handa ang gobyerno sakaling sumipa muli ang mga bagong kaso ng Covid-19.