Ipinauubaya na ng DOLE o Department of Labor and Employment sa Kongreso ang tuluyang pagbuwag sa kontraktwalisasyon sa larangan ng paggawa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, tanging ang endo o end of contract ang tinapos na ng inilabas nyang department order no. 174.
Nakapaloob sa department order no. 174 ang paggabawal sa endo o 555, bawal rin ang pagamit ng kabo o middleman para makakuha ng empleyado at paglikha ng isang ahensya o kooperatiba sa loob ng isang kumpanya na ang tanging trabaho ay magsuplay ng trabahador sa kanilang kumpanya.
Bawal na rin ang pag-kontrata ng mga empleyado kapag mayroong strike o lock out sa isang kumpanya at pagkontrata ng trabaho sa labas ng kumpanya na makakahadlang sa paggamit ng mga empleyado sa kanilang karapatang mag-strike.
Hindi rin puwedeng kumuha ang kumpanya ng mga contractual employees na gagampan sa mga trabahong ginagawa na ng mga regular na empleyado at paulit ulit na pagkuha ng mga contractuals sa ilalim ng panandaliang kontrata.
Samantala, nilinaw ni Bello na sakop lamang ng department order ang mga pribadong kumpanya.
Nauna na anyang inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management at Civil Service Commission na silipin rin ang contractualization sa gobyerno.
Bahagi ng pahayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas (Interview)