Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III, Chief Negotiator sa peace talks, na baka tuluyang ikansela ng Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa NDFP o National Democratic Front of the Philippines.
Pahayag ito ni Bello kasunod ng pag-atake ng NPA o New People’s Army sa Iloilo, isang araw makaraang ihayag nilang ititigil ang opensiba sa Mindanao.
Ayon kay Bello bagamat sa ibang lugar nangyari ang pag-atake, nakakaapekto ito sa sinseridad ng NDFP na matamo ang kapayapaan sa pamamagitan ng peace talks.
Matatandaan na kinansela ng pamahalaan ang ika-limang round ng peace talks sa NDFP matapos nilang atasan ang NPA na paigtingin ang opensiba kasabay ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Gayunman, bago ang pag-atake ng NPA sa Iloilo ay nakapagpasya na ang magkabilang panig na ituloy ang ika-limang round ng pag-uusap matapos namang ipatigil ng NDFP ang opensiba sa Mindanao.
“Sinita ko rin ang chairman ng NDF panel sabi ko akala ko ba ang sabi ninyo na bilang pagpapakita ng suporta sa ating Presidente ay hindi muna kayo maglulunsad ng opensiba, eh sabi nila ang aming alok ay sa Mindanao lang, wala namang Iloilo sa Mindanao, yan ang sagot sa akin ni Chairman Agcaoili. Nakakaapekto ito sa sinseridad nila kaya kako the President might finally consider cancelling the talks, yan ang ipinarating ko sa kanila.” Pahayag ni Bello
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Tuluyang pagkansela ng Pangulo sa peace talks ibinabala was last modified: June 20th, 2017 by DWIZ 882