Minaliit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP ang ikinakasang imbestigasyon ng Kamara na may kaugnayan sa malawakang pagbaha sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela
Ayon kay Danilo Ramos, Tagapagsalita ng KMP, kailangan aniyang seryosohin ng mga mambabatas ang pagsisiyasat kung talagang nais nilang masolusyunan ang problema upang hindi na ito maulit sa hinaharap
“Hindi band-aid solution lang, hindi para masabi nating nag-imbestiga lang, ano ba yung punu’t dulo ng problema,may relasyon ang nanyaring pagpapawala ng tubig ng mga dams at ang ginagawang legal at illegal logging at large at small scale mining operation”paliwanag ni Ramos.
Magugunitang inihain ni House Speaker Lord Allan Velasco at mga opisyal ng Kamara ang isang resolusyon para ikasa ang imbestigasyon hinggil sa matinding epekto ng bagyong Ulysses
Giit ni Ramos, band aid solution lamang ang inilatag na resolusyon ng Kamara dahil nais lamang nitong gisahin ang National Irrigation Administration o NIA sa halip na hukayin ang natatagong lihim ng mga illegal logging at illegal minning
Pero giit naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, malinaw na illegal logging at illegal minning ang sanhi ng malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela kaya’t dapat na isulong ang agarang pagpapasara sa mga ito
“Ang trahedya na nagdulot o ugat nitong matinding pagbaha at landslide ay ang nagpapatuloy pa rin na mga proyektong nakakasira sa ating kalikasan, katulad ng malalaking pagmimina na nagkakalbo sa mga kabundukan at kagubatan, at ang mga dambuhalang dam na nagpapakawala ng napakaraming tubig na naglulubog sa maraming bayan,” giit ni Cullamat.
Kaya para kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, moro-moro lamang ang gagawing imbestigasyon dahil sa hindi naman magalaw ng DENR na siyang naglalabas ng minning permit ang mga large scale minner dahil sa limpak-limpak na pera ang bumabaha rito
“gobyerno din ang may sala sa sinapit na pagbaha sa Cagayan dahil ang DENR na nasa ilalim ng ehekutibong sangay ang syang ding pumapayag na mag-operate ang mga mining at quarrying activities na kalaunang nagresulta sa pagkakalbo ng kabundukan”pagtatapos pa ni Castro.