Tila abot kamay na ang tuluyang pagpasa ng Anti-Hazing Bill matapos itong pumasa sa Senado.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, isa sa mga may akda ng nasabing panukala, maituturing itong milestone at kailangan na lamang ang bicameral conference committee para tuluyang maging batas.
Binigyang diin sa DWIZ ni Gatchalian na maraming makakatuwirang probisyon ang nakasaad sa naturang panukala na pina-simple lamang.
Kabilang dito aniya ang malaking responsibilidad ng pamunuan ng mga eskuwelahan sa mga fraternity sa kanilang teritoryo at magsisilbing principal suspect ang sinumang bahagi nang mapapatunayang nag-sabwatan para maisagawa ang hazing.
Sinabi ni Gatchalian na malinaw sa panukala na hindi ipinagbabawal ang mga fraternity at sorority sa mga paaralan.
“Binigyan natin ng malaking responsibilidad ang mga eskwelahan, dapat gumawa sila ng hakbang para pigilan ang hazing, pigilan at i-monitor itong mga fraternities na nag-ooperate sa loob ng eskwelahan, pangatlo po kung makikita natin yung imbestigasyon tungkol kay Atio Castillo, inilagay din namin doon kung merong mga grupong nagtangkang pagtakpan itong hazing na nangyari o kung merong cover up na tinatawag natin eh kasali na rin po sila as principal suspects.” Paliwanag ni Gatchalian
(Balitang Todong Lakas Interview)