Kinuwestiyon ng grupong Bayan o Bagong Alyansang Makabayan ang dahilan ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-terminate na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ito ay sa kabila nang matagal na nilang panawagan at pagtutol sa nabanggit na kasunduan sa pagitan ng militar ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes Jr., hindi dapat ginagamit bilang pang-bargain o kapalit lamang ng binawing US visa ni Senador Ronald Dela Rosa.
Tanong pa ni Reyes, ano aniyang klaseng foreign policy meron ang bansa kung ibinabatay lamang ang pagbasura ng VFA sa personal na interes ng kaalyado ng Pangulo.
Dahil aniya rito, tila pinawawalang halaga lamang ng Pangulo ang isyu hinggil sa pananatili ng mga amerikanong sundalo sa Pilipinas sa pamamagitan ng VFA.