Inihirit ng ilang mambabatas na ilabas ng Malacañang ang tunay na estado ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng halos isang linggo nitong pananahimik at hindi pagpapakita sa publiko.
Sinabi ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano, obligasyon ng Malacañang na magbigay ng mas malinaw na paliwanag sa tunay na kalagayan ng Pangulo.
Aniya, itinuturing na national security issue ang kalusugan ng Pangulo kaya’t hindi makabubuti na magkaroon ng iba’t ibang ispekulasyon sa tunay nitong kalagayan.
Kaugnay nito, inihirit ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza sa Malacañang na magpalabas ng medical bulletin hinggil sa kondisyon ng Pangulo.
Aniya, ang medical bulletin ng Pangulo ay makapagpapalinaw at magpapatigil sa mga ispekulasyon sa kalusugan ng Pangulong Duterte.
Una nang ipinalabas ng Malacañang ang mga larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng mga espekulasyon na may sakit ang Presidente kaya hindi ito nakikita ng publiko.
Sa larawan ay makikita ang Pangulo nakipagkamay pa sa mga opisyal ng Philipppine Air Force sa Pasay City bago ito tumulak sa Davao City.
Sa account naman ni Special Assistant to the President Bong Go, nag- post ito ng larawan nila ng Pangulo kung saan ay tinukoy pa nito na nagtatrabaho ang Pangulo sa Bahay Pagbabago.
Umugong ang espekulasyon na may malubhang sakit ang Pangulo matapos na bigong dumalo ang Pangulo sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Rizal Park.
By Rianne Briones / with report from Aileen Taliping (Patrol 23)
Tunay na estado ng kalusugan ng Pangulo ipinasasapubliko was last modified: June 16th, 2017 by DWIZ 882