Dapat nang lumantad si alyas Bikoy upang patunayan ang kanyang akusasyon sa “Ang Totoong Narco list” video.
Ito ang inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kaugnay sa imbestigasyon ng nasabing video at pagkakadakip ng sinasabing nag-upload nito sa social media na si Rodel Jayme.
Ayon kay Sotto, dapat ituro ni Bikoy kung sino ang kanyang pinagkunan ng impormasyon kaugnay sa pagkakadawit umano ng ilang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drugs operation.
“Eh siguro kung merong basis yung pag-iimbestiga eh dapat pwedeng imbestgahan. Like for example, ano ang pinaka-magandang imbestigasyon? Yung nag-claim yun yung una mong kausapin. Lumantad siya, eto ba ng source mo? Ano ang basis mo dito? Asan basis mo? Kasama sa imbestigayon yun. Yun ang imbestigasyon hindi yung pinagbibintangan. Kung meron kang pruweba halika punta ka dito, takot ako eh hindi ako pupuna sa DOJ, punta ka sa Senado maraming matatapang dito eh.” Pahayag ni Sotto.
Naniniwala naman ang senador na may kaugnayan sa halalan ang pagsisiwalat ni alyas Bikoy.
“Lahat ng kandidato ng Presidente (Duterte) ang tataas ng rating eh, tapos ang presidente 81 percent lang ang approval rating.” Ani Sotto.