Iniimbestigahan ng Korea Disease Control and Prevention Agency (KDCA) ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng dalawa nitong mamamayan ilang araw matapos maturukan ng bakunang gawa ng Astrazeneca laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay KDCA Director Jeong Eun-Kyeong, nagsasagawa ang KDCA ng epidemiological surveys sa mga lokal na otoridad kung may kaugnayan sa pagbabakuna ng Astrazeneca COVID-19 vaccine ang pagkasawi ng dalawa nitong residente.
Matatandaang nauna nang napaulat na mayroon ng iniindang karamdaman ang dalawang nasawi bago pa man mabakunahan ng Astrazeneca vaccine.
Batay sa ulat ng Reuters, mayroon ng cerebrovascular disease ang 63 taong gulang na nasawi samantalang mayroon namang cardiac disorder at diabetes ang isa pang nasawi na edad 50 na kapwa mga nursing home patient at parehas nakaranas ng adverse effect matapos mabakunahan.
Paalala naman ni Jeong sa mga magbabakuna na magpabakuna lamang kung maganda ang kondisyon ng kalusugan bagamat wala pang kumpirmasyon na sanhi ng pagkamatay ng dalawang pasyente ay ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Samantala, tinatayang 85,904 na ang nakatanggap ng unang dose ng Astrazeneca COVID-19 vaccine sa South Korea at 1,524 naman ang nabakunahan ng bakunang likha ng Pfizer batay sa tala ng KDCA.— sa panulat ni Agustina Nolasco