Aminado si Batangas Governor Hermilando Mandanas na maaapektuhan ang turismo sa kanyang nasasakupan dahil sa pagtama ng magkakasunod na lindol.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Mandanas na mabuti na lamang at hindi napinsala ng lindol ang Port of Batangas, na isa sa mga dinadagsang pantalan pauwi ng iba’t ibang probinsya.
Sa ngayon, ayon sa goberndor ay payapa sa Batangas.
“Syempre maaapektuhan pero hindi lamang Batangas, yung pupunta sa Boracay, Luzon, Mindanao, lahat dumadaan dito sa Port of Batangas.” Ani Mandanas
Idinagdag pa ni Mandanas na wala siyang natanggap na impormasyon na ipinagbabawal ang diving activities sa bayan ng Anilao lalo’t wala namang nakataas na tsunami warning.
“Wala akong naririnig na ipinagbabawal ang diving dahil wala kaming tsunami warning. Ang sabi nga ni Director Solidum, highly improbable na magkaroon ng tsunami dahil mababa ang epekto nung lindol kaya’t hindi magke-create ng tidal wave.” Pahayag ni Mandanas
PHIVOLCS
Samantala, hindi dapat matakot sa pagpunta sa Batangas ang mga nagnanais magbakasyon doon ngayong Holy Week sa kabila ng pagtama ng malalakas na lindol sa lalawigan.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, ubra pa ring makapag-enjoy ang publiko lalo na ang mga turista basta’t maiingat.
Tiniyak ni Solidum na hindi na magdudulot ng mas malakas na pagyanig ang fault na nakita sa Mabini Peninsula na naging dahilan ng naunang lindol sa Batangas.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)