Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang publiko na umpisahan ang pagpapalakas ng turismo para sa pagbangon ng ekonomiya ngayong darating na Undas.
Sa kanyang lingguhang vlog, iginiit ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng turismo para magtuloy-tuloy ang pagbangon ng bansa matapos malugmok sa COVID-19 pandemic.
Isa sa mga dahilan kung bakit ginawang holiday ang October 31 ay para magkaroon ng mas maraming panahon na magkakasama ang pamilya at maplano ang kanilang bakasyon.
Ayon pa sa Pangulo na ang industriya ng turismo ang isa sa mga susi para sumigla muli ang ekonomiya lalo na sa mga malalayong lugar na mayroong magagandang tanawin at magiging daan para magkaroon ng trabaho at kabuhayan ang mga tao.
Binigyang-diin pa ni Pangulong Marcos na nais niyang makilalang muli ang Pilipinas sa buong mundo sa pamamagitan ng turismo kaya isusulong nito ang pagpapalakas sa turismo para mas maraming turistang lokal at mga dayuhan ang bibisita sa Pilipinas.