Hindi nakakaapekto sa turismo ang pagdedeklara ng Batas Militar sa Mindanao.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, maraming nakapilang malalaking event sa Mindanao katulad na lang ng Rodeo Festival sa Lanao del Norte at wala pang pahayag ang organizer kung kakanselahin ito.
Sa kabila nito, pinayuhan ni Alegre ang mga turista na iwasan na lang muna ang mga lugar na mayroong banta ng terorismo at magtungo muna sa ibang pasyalan sa bansa.
Malaking tulong din aniya kung magiging mapagmatyag ang mga turista at kaagad iparating sa kinauukulan ang mga kahina-hinalang kilos ng mga tao.
“Pati yung Dapitan sa Zamboanga del Norte, talagang puntahan yan, merong theme park yan, sa lugar naman na walang threat madaling i-monitor pero doon sa may mga threat iwas muna, masuwerte nga tayo maraming alternative na puwedeng puntahan so ilalayo muna natin, ang kailangan lang talaga ay matiyak ang security, sa mga pasahero maging alert din sila at hinihiling natin sa lahat na maging alert at mag-report kung may makikitang suspicious move.” Pahayag ni Alegre
Russian tourists inaasahan na
Samantala, inaasahan na ng Department of Tourism o DOT ang pagdagsa ng mga Russian tourist sa bansa.
Ito ay matapos malagdaan ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Federal Agency of Tourism ng Russia.
Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, sa pamamagitan ng naturang kooperasyon at inaasahang lalakas ang turismo sa pagitan ng Pilipinas at Russia.
Pagpapakita rin aniya ito ng kumpiyansa ng Russia sa kakayahan ng pamahalaan ng Pilipinas na resolbahin ang kaausan at kapayapaan sa bansa.
By Katrina Valle | Ratsada Balita (Interview)| Ralph Obina
Turismo tiniyak na di apektado ng Martial Law sa Mindanao was last modified: May 26th, 2017 by DWIZ 882