Hindi pa malinaw kung anu-ano ang mga tututukan nang binuong consultative committee kaugnay sa panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ito ayon kay San Beda Graduate School Dean Father Ranhilio Aquino, miyembro ng komite ay dahil hindi pa naman sila nagsisimulang magpulong.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Aquino na dapat unang matutukan kung kailangan nga bang magpalit ng sistema ng gobyerno dahil federalismo ang isinusulong ng administrasyon.
“Of course, discussions will start with asking the questions, kailangan ba nating magpalit ng porma ng gobyerno, ito ba ang kagustuhan ng tao, but you know in the end kung anuman ang ipasa ng Kongreso na Saligang Batas ay pagbobotahan pa rin ng mga tao in a plebiscite, so kung talagang ayaw ng federalism they will reject the draft of the Constitution, but I suppose that the members of the Congress have done their assignments, consulted with their constituents kaya isinusulong nila itong federalism.” Pahayag ni Aquino
‘Consultative Committee’
Sinuportahan ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Roger Mercado ang pagbuo ng Pangulong Rodrigo Duterte ng 19-member consultative committee na magrerepaso sa Konstitusyon.
Sinabi ni Mercado na welcome development ang nasabing hakbang sa gitna na rin nang patuloy na talakayan ng Kamara at Senado sa usapin ng Charter Change.
Malaki aniya ang maitutulong ng nasabing komite sa Kongreso sa pamamagitan ng inputs nito sa makasaysayang pag-balangkas ng panibagong Konstitusyon.
Tinawag namang welcome participation ni Deputy Minority Leader at ABS Party-list Representative Eugene de Vera ang pagbuo ng consultative committee bagamat sila pa ring mga mambabatas ang tututok sa mga aamiyendahang probisyon na aaprubahan naman ng taumbayan sa pamamagitan ng isang plebisito.
(Ratsada Balita Interview)