Nagpaliwanag na ang network giant na ABS-CBN hinggil sa pagsasahimpapawid ng isang patalastas na bumabatikos kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Batay sa ipinalabas na pahayag, sinabi nitong wala silang kinalaman sa produksyon ng nasabing patalastas at wala silang nilalabag sa pagsasahimpapawid nito.
Binigyang diin pa ng ABS-CBN management na lehitimo ang nasabing patalastas na binayaran para kay Senador Antonio Trillanes IV.
Dumaan din anila sa pagbusisi ng kanilang ethics committee ang materyales ng TV ad at nakapasa naman ito sa mga itinatakdang alituntunin ng batas bago ito isahimpapawid.
Maliban sa ABS-CBN, umere rin sa iba pang TV networks tulad ng GMA at TV5 ang nasabing TV ad na sinasabing nagkakahalaga umano ng P20 milyong piso.
TV 5
Itinanggi naman ng pamunuan ng TV 5 na isinahimpapawid din nila ang kontrobersyal na TV ad na bumabatikos umano kay presidential frontrunner Rodrigo Duterte.
Sa isang post sa kanilang official facebook page, sinabi ng TV 5 na may ilang requirements na hindi nasunod kaya’t hindi nila isinahimpapawid ang nasabing patalastas.
Gayunman, nilinaw ng TV 5 na wala silang kinikilingang kandidato o partido sa kanilang naging desisyon na huwag i-ere ang patalastas na mula sa kampo ni Senador Antonio Trillanes.
Inaasahan namang maglalabas din ng kanilang pahayag ang GMA Network anumang oras o araw mula ngayon hinggil dito.
By Jaymark Dagala