Isinusulong ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP ang panukalang batas na magtatakda ng typhoon code sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing panukala, inaatasan nito ang mga employers na huwag kaltasan sa suweldo ang mga manggagawa nito na hindi makapapasok sa kanilang trabaho sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa TUCP at Kilusang Mayo Uno o KMU, dapat ikunsidera ng gobyerno ang kaligtasan ng mga manggagawa na sumusuong sa panganib para makapasok sa trabaho kahit nasa peligro ang buhay sa panahon ng kalamidad.
Maaari anilang gamiting batayan ang suspensyon sa klase ng mga mag-aaral para mapagpasyahan kung papasok o hindi ang isang manggagawa sa kaniyang trabaho.
Sa panig naman ng Department of Labor and Employment, sinabi ni Secretary Rosalinda Baldoz na kanilang pinag-aaralan ang nasabing panukala batay sa itinatadhana ng umiiral na labor code.
By Jaymark Dagala