Patuloy ang paghina ng bagyong Queenie habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sentro ng bagyong Queenie ay huling namataan sa layong 665 kilometro sa silangan hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyong Queenie ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 170 kilometro kada oras.
Ang nasabing bagyo ay kumikilos pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Bagamat hindi tatama sa lupa o mag-la-landfall, ipinabatid ng PAGASA na binabalaan pa rin nila ang mga gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat sa eastern at northern section ng Luzon dahil sa malalaking alon na hatid ng nasabing bagyo.
Magdadala rin ang bagyo ng katamtaman hanggang sa mahihinang pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa.
Mamayang gabi o bukas ng madaling araw inaasahang lalabas ng PAR ang bagyo.
—-