Nananatili ang lakas ng Typhoon “Tisoy” habang patungo ito sa direksyong pa-kanluran.
Huling namataan ng Pagasa ang sentro ng bagyong Tisoy sa layong 885 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
May lakas ang hangin nito na umaabot sa 150 kph (kilometro kada oras) malapit sa gitna at pagbugsong nasa 185 kph.
Binabaktas nito ang direksyong patungo sa kanluran sna may bilis na 15 kilometers per hour.
Dulot nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1.
Kinabibilangan ang mga lugar na ito ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Samar, Northern Samar, Eastern Samar, Biliran, Camotes Island, at Leyte.
Patuloy naman ang ipinapaalala ng Pagasa na mapanganib pumalaot ang mga maliliit na sasakyang-pandagat sa seaboards ng mga lugar na nasa ilalim ng Signal No.1, northern at western seaboards ng Northern Luzon at eastern seaboards ng bansa.
Ayon sa Pagasa, inaasahan nilang tatama sa kalupaan ng Bicol region ang bagyo sa araw ng Lunes, Disyembre 2, o kaya nama’y sa Martes ng madaling-araw, Disyembre 3.