Pag-aaralan ngayon ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc. (UAAI) kung dapat bang bawiin o hindi ang kanilang iginawad na pagkilala kay Assistant Secretary Mocha Uson.
Ayon kay UAAI Head Henry Tenedero, kasama sa kanilang gagawing pagpupulong ang ilan sa mga umalma sa social media hinggil sa nasabing usapin.
Paliwanag pa ni Tenedero, napagdesisyunan ng organisasyon ang pagbibigay kay Uson ng Thomasian Alumni Award for Government Service.
Bukod aniya dito kanila ding ikinunsidera ang pagiging UST graduate ni Uson ngunit hindi na nila gaanong pinagtuunan ng pansin ang kanyang pagkatao.
Nilinaw din ng pangulo ng UAAI na walang botohang naganap kundi tinukoy lamang ng komite kung sino ang mga iimbitahan.
Una nang kinundena ng University of Santo Tomas Central Student Council (UST-CSC) ang parangal na iginawad kay Uson.
Tinukoy pa ng student council na si Uson ang nangunguna sa mga ginagawang propaganda ng gobyerno laban sa mga kumukontra dito.
Siya din anila ang siyang pangunahing pinagmumulan at nagpapakalat ng ‘fake news’.
Kasabay nito, hinimok ng UST-CSC ang buong Thomasian community na labanan ang bantang pagsikil sa press freedom.