Ibinalik ng Uber Systems Inc. ang kanilang online booking app matapos na maghain ng motion for reconsideration kaugnay sa ipinataw na isang buwang suspensyon ng LTFRB o Land Transport Franchise and Regulatory Board.
Sa ipinalabas na pahayag ng Uber, kanilang sinabi na bilang tugon sa hiling ng kanilang mga rider at drayber ay kanilang nagdesisyunang i-apela ang kautusan ng LTFRB.
Kasabay nito, kanila ring inihayag na magpapatuloy ang kanilang operasyon sa Metro Manila at Cebu hangga’t hindi pa nareresolba ng LTFRB ang kanilang mosyon.
Sa panig naman ng LTFRB, sinabi ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada na mananatili pa rin ang suspensyong ipinataw sa Uber kahit pa naghain na ito ng motion for reconsideration.
Dahil dito, tuloy pa rin aniya ang panghuhuli ng LTFRB, Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) sa Uber partners na hindi susunod sa suspensyon at mananatiling mamamasada.