Nakikisimpatiya ang Malacañang sa mga pasaherong naapektuhan sa ipinataw na suspension order ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Transport Network Company na Uber.
Gayunman sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kailangang sumunod ng Uber sa mga panuntunan ng LTFRB base na rin sa kanilang administrative functions at pag-regulate sa mga kahalintulad na kumpanya.
Ayon kay Abella ang isyu ay kung paano mababalanse ang innovation at mga batas at panuntunan ng ahensya.
Dapat aniyang maayos kaagad ang usapin para hindi naman mahirapan ang mga apektadong customer ng Uber.
Kasabay nito inihayag ni Abella na bahala na ang DOTr na kumilos at mag-desisyon kung may mga dapat baguhin lalo na at idinadaan na sa teknolohiya ang pagkuha ng mga pasahero.
Suspension
Tuloy pa rin ang isang buwan suspensyon na ipinataw ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa transport network company na Uber.
Ito ay matapos na ibasura ng LTFRB ang motion for reconsideration na inihain ng kumpanya.
Nanindigan ang LTFRB na lumabag ang Uber sa kautusan nitong hindi na dapat tumanggap at mag proseso ng mga bagong miyembro.
Dahil dito, tuloy pa rin ang gagawing panghuhuli sa mga bibiyaheng Uber driver kung saan pagmumultahin ang mga ito ng P120,000 at mai-impound pa ang sasakyan sa loob ng tatlong buwan.
Ikinalungkot naman ng kumpanya ang naging desisyon ng LTFRB ngunit siniguro nito na susunod sila sa naging kautusan ng gobyerno.
Matatandaang kinansela na ng Uber ang kanilang operasyon kahapon ng umaga ngunit agad ding ibalik matapos na maghain ng motion for reconsideration.
By Judith Larino / (Ulat ni Aileen Taliping) / Rianne Briones