Naniniwala si dating Health Secretary Paulyn Ubial na nabigyan ng pagkakataon ang lahat na makapaglahad ng kanilang nalalaman kaugnay ng usapin sa dengvaxia dengue vaccine.
Kasunod ito ng isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay ng dengvaxia kahapon.
Ayon kay Ubial, totoo ang inihayag ni Senador Richard Gordon na posibleng nakararamdam ng pressure ang mga ipinatawag sa naunang hearing sa dengue vaccine noong nakaraang taon.
Iginiit ni Ubial, na maging siya ay nakaramdam din ng pressure noon dahil isasalang pa lamang din siya noon sa kumpirmasyon bilang kalihim ng DOH.
“Tingin ko mas nagkaroon ng chance ang mga participant na magsalita, totoo yung sinabi ni Senator Gordon na dati may pressure kaya hindi makapagsalita ang ibang participant, tulad ko noong time nay un I was Secretary of Health hindi pa ako nako-confirm so may pressure sa akin, nagpapa-confirm kasi ako.” Ani Ubial
Ipinagtataka rin ni Ubial ang pagkakatalaga niya bilang director sa isang ospital sa Tacloban noong inaaprubahan ng nakaraang administrasyon ang pagbili ng DOH ng dengvaxia na kanyang tinututulan.
“Hindi naman ako master in hospital administration ako po ay master in public health, wala po akong previous assignments or karanasan na magpatakbo ng ospital talagang ipinagtataka ko yun na bakit ako ang inassign doon na marami naman sa DOH na may masters in hospital administration, assistant secretary ako nun nagging OIC medical center chief.” Pahayag ni Ubial
(Balitang Todong Lakas Interview)