BINIGYANG DIIN ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kahalagahan ng wastong komunikasyon sa pagitan ng national government at mga local government unit (LGU) para sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan, tamang direksyon at implementasyon ng mga batas sa bansa.
Sa kanyang pagdalo sa 2022 General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines sa Marriott Hotel sa Siyudad ng Pasay, sinabi ni Marcos na malapit ang puso niya at ng kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte sa mga local government officials dahil kapwa sila nagsilbi bilang pinuno ng lokal na pamahalaan sa bansa.
“Palagay ko naman kami ni Mayor Inday ay basta’t local government ang kausap namin we’re always very happy to come and join with you, dahil talaga naman kaming dalawa ay dumaan talaga sa local government,” sabi ni Marcos.
“Kaya’t nauunawaan namin kung ano ang pinagdadaanan ng ating mga local chief executives kaya we are always conscious of what’s to be done between the national and the local government,” ayon pa sa kanya.
Para kay Marcos, malaki ang papel na ginagampanan ng LGU sa mga sulok ng kanayunan o mga nasa ‘grassroots level’, kaya mahalaga na malaman mismo ng gobyerno ang pagkakaiba ng mga problema na kinakaharap ng mga LGU.
“Ngunit ‘yung katotohanan kung ano ba talaga ang nangyayari sa grassroots level ay nakita ko at natutunan ko nung nasa local government ako dahil alam naman natin maraming mga nangyayari na batas merong mga directive, meron mga kung ano-ano ang inuutos sa atin ang (national) government na hindi talaga praktikal pagdating sa local government,” paliwanag ni Marcos.
“In other words the realities of grassroots level kung papaano magdala ng serbisyo ang ating local government official, ang mga governor, ang mga mayor hanggang sa barangay ay talagang kailangan na maging mas maganda ang komunikasyon at maging effective,” dagdag pa ni Marcos.
Naniniwala si Marcos na mahalaga rin ang masusing pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga LGU at makuha ang kanilang mga ideya at sentimyento sa mga problema ng bansa.
“No one can tell you that they’re better, more expert about your municipalities than yourself and that is something the national government will have to learn to respect. And with Inday Sara and I being experienced in local government, we fully intend to address that balance,” pagpapatuloy niya.
“To make that balance, very much more (effective), hindi lang one direction inuutusan lang ng national government at sasabihin ang gagawin ng LGU kung hindi nagkakaroon ng konsultasyon ang local government at saka national government,” paliwanag pa ni Marcos.
Natalakay din ni Marcos ang kahalagahan ng maayos na pagbibigay ng pondo sa mga LGU na kailangan matutukan ng pamahalaan.
“Ngayon na paiiralin na ang Mandanas Ruling mula sa dating Internal Revenue Allotment (IRA) mas magbibigay ng malinaw at maayos na implementasyon para sa pondo ng mga LGU,” sabi niya.
“Mandanas ruling gives us an opportunity, that is why I think that it is going to be a very good time for local government, to start, to be a real strong firm partner to the national government, in terms of planning the national recovery from the pandemic, and for the (recovery) of very weak economy that we have,” dagdag pa ni Marcos.
Sa huli, siniguro ni Marcos na ang UniTeam BBM-Sara tandem ang magiging tunay na kaagapay ng mga LGU para maibigay ang tamang serbisyo at solusyon sa problema ng bawat Pilipino.
“I really would like to assure you all, that with the Marcos–Duterte team, you will be putting into office, not just national officials, but both of us who started from the grassroots which is local government. Kaya’t maasahan niyo kami, na bibigyan namin ng tamang lugar, tamang layunin, at tamang importansya, ang local government,” diin pa ni Marcos.