Walang nakikitang rason ang Palasyo para putulin ng Pilipinas ang ugnayan nito sa European Union (EU).
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque matapos na ihayag ng punong ehekutibo na nakahanda itong makipagtulungan sa EU hinggil sa usapin ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Roque, ito’y dahil may independent foreign policy ang bansa at nangangahulugang nakahandang makipagkaibigan ang Pilipinas sa iba’t-ibang mga bansa.
Giit pa ni Roque, ang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tanging interes at kaayusan ng bawat Pilipino.
Kung kaya’t ani Roque, walang dahilan para masira ang mabuting ugnayan ng Pilipinas at EU.
Magugunitang nitong Miyerkules, tinanggap ni Pangulong Duterte ang credentials ni EU Ambassador to the Philippines Luc Veron at sinabing nakahanda ang Pilipinas na makipagtulungan sa EU para sa ikabubuti ng mga nasasakupan nito.