Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na wala silang ipinatutupad na bagong panuntunan sa mga miyembro ng media na nais magsagawa ng on-cam o live report sa mga quarantine checkpoint.
Ito’y kasunod ng nangyaring hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga nagbabantay sa quarantine checkpoint sa bahagi ing Marcos Highway sa Marikina City at ng radio DZBB reporter na si Mark Makalalad.
Ayon kay PNP spokesman P/BGen. Bernard Banac, mananatiling magkatuwang ang PNP at ang media sa paghahatid ng mga tama at napapanahong impormasyon sa publiko.
Una rito, itinanggi ni Marikina City Police chief P/Col. Restituto Archangel na tauhan nila ang mga pulis na sumita sa reporter at sinabing ang mga ito ay mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Marines.
Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Archangel sa nangyari at umaasa siyang madaraan sa mabuti at mahinahong pag-uusap ang nangyaring gusot.
Sa panig naman ni Joint Task Force COVID-19 Shield commander P/LtGen. Guillermo Eleazar, magsisilbing wake up call para sa mga pulis ang nangyari at mananatiling magkakampi ang pulisya gayundin ang media.
Gayunman, nang hingan ng reaksyon hinggil dito si NCRPO chief P/MGen. Debold Sinas sa viber group nito, bigla na lamang itong umalis nang hindi nagbibigay ng anumang pahayag gayung mga tauhan niya mismo ang nasasangkot.