Pinalagan ng United Kingdom envoy ang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte ukol sa pagpatay sa mga corrupt at bias na alagad ng media.
Giit ni UK Ambassador to the Philippines Asif Ahmad, hindi dapat bigyang katwiran ang pagpatay sa mga mamamahayag.
Binigyang diin ni Ahmad na gaano man tayo hindi sang-ayon sa maling gawin ng mga mamamahayag, mali pa rin aniyang maituturing ang pagpatay at dapat itong kundinahin.
Umaasa si Ahmad na mananaig pa rin sa Pilipinas ang batas sa kabila ng masamang reputasyon ng bansa bilang isa sa may mataas na media killings sa buong mundo.
UP Department of Journalism
Sinupalpal din ng University of the Philippines-Department of Journalism ang mga maanghang na pahayag ni incoming President Rodrigo Duterte kaugnay sa media killings.
Sa liham ng UP Department of Journalism, kinokondena nila ang pahayag ni Digong dahil nagbibigay ito ng hudyat para magpatuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag.
Taliwas anila sa malisyosong sinabi ni Mayor Digong, naniniwala ang UP Department of Journalism na ang pagbunyag sa korapsyon at krimen sa kanilang komunidad ang dahilan ng pagpapatay sa ilang taga-media.
Iginiit ng mga UP Journalism Professor na hindi katanggap-tanggap, hindi makatarungan at iresponsable ang pahayag ng susunod na pangulo.
Hindi rin nila maaaring tanggapin ang mga katwiran ng kampo ni Duterte na na-misinterpret lamang ang pahayag niya dahil madali lamang anila itong unawain.
By Ralph Obina | Drew Nacino | Allan Francisco (Patrol 25)