Nagpalabas ng travel warning ang United Kingdom Government para balaan ang kanilang mga mamamayan na huwag na munang bumiyahe sa Davao provinces at Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Ang travel alert ay inisyu ng UK Government kasunod ng insidente ng pagdukot sa tatlong dayuhan at isang Pinay sa isang Island resort sa Davao del Norte.
Ayon sa UK, ipinalabas ang babalang ito dahil sa seryosong banta ng terrorist attacks at kidnapping sa mga naturang lugar.
Una nang nag-isyu ng katulad na travel warning ang Canadian government para sa kanilang mga mamamayan.
Gayunman, kapansin-pansin na hindi kasama sa travel alerts ang Davao City na teritoryo ni Mayor Rodrigo Duterte at iba pang lugar sa Pilipinas.
***
Bagama’t hindi kasama ang Davao City sa travel alerts ng Canada at United Kingdom, sinabi ni Mayor Rodrigo Duterte na tali ang kanyang kamay sa mga naturang babala.
Paliwanag ng alkalde, hindi niya maaaring panghimasukan ang Davao del Norte dahil hindi naman ito saklaw ng Davao City.
Gayunman, inamin ni Duterte na posibleng magkaroon ng negatibong epekto sa kanyang nasasakupan ang travel advisories dahil dumadaan ang mga turista sa Davao International Airport.
Kabilang sa mga kasama sa travel ban ang Basilan, Sulu, Tawi-tawi, Lanao del Sur, at Maguindanao sa ARMM; Zamboanga Peninsula at mga probinsya ng Saranggani, Lanao del Norte, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental, Davao Oriental, Cotabato, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
By Jelbert Perdez