Nangangamba ang OCTA Research na ang UK at South African coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 na naitatala sa Metro Manila kada araw.
Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research, hindi malayo na ang dalawang bagong COVID-19 variant ang isa sa dahilan kung bakit mabilis pa rin ang pagtaas ng kaso ng nakahahawang sakit kada araw.
Ito’y makaraang madiskubre ang unang anim na kaso ng South Africa COVID-19 sa bansa.
Gayunman, ani David, kulang pa sa ngayon ang ebidensya para patunayan ang nabanggit na konklusyon.
Kailangan pa umano nilang kumalap ng impormasyon at magsagawa ng genome sequencing sa naturang lugar.
Dagdag ni David, dapat ay magpatupad ang pamahalan ng mas istriktong border control para mapigilan ang pagkalat ng virus.