Tiniyak ng Quezon City Police District o QCPD na iimbestigahang mabuti ang report na dalawang (2) pulis Quezon City ang nakunan ng video habang nagre-repack ng shabu sa loob ng kanilang mobile na ipinarada sa compound ng Sandiganbayan.
Ayon kay Senior Superintendent Guillermo Eleazar, Hepe ng QCPD, nasa custody na nila ang dalawang pulis na hindi muna niya pinangalanan.
Nasa proseso na rin aniya sila ng pagkuha sa mga CCTV upang matiyak kung ano talaga ang ginagawa ng dalawang pulis.
Base aniya sa paunang paliwanag ng dalawang pulis, mani at hindi shabu ang kanilang nire-repack.
Apat na beses na rin aniya nilang isinailalim sa drug test ang dalawang pulis subalit pawang negatibo ang resulta ng drug test.
“Mahirap naman pong mag-isip agad tayo ng ganun, baliktad na kasi sa atin ang presumption of regularity at ng innocence, parang ano kaagad, tama naman pong imbestigahan para matutukan natin, pero even yung sinasabing nag-rerepack ng shabu, eh ang sabi po ng ating imbestigador ay mga packets of mani ang nakita.” Pahayag ni Eleazar
House to house drug test
Samantala, inilipat na ng Quezon City Police District sa barangay hall ng Payatas ang libreng drug test na kaloob nila sa mga residente doon.
Kasunod ito ng pagsita ng CHR o Commission on Human Rights pagba-bahay-bahay ng mga pulis sa Payatas para i-drug test ang residente na nakabilang sa kanilang listahan.
Ipinaliwanag ni Senior Supt. Guillermo Eleazar na ang ginagawa nilang house to house drug test ay napagkasunduan ng mga opisyal ng barangay at mga pulis ng station 6 ng QCPD.
Ayon kay Eleazar, hindi ito simpleng drug test lamang dahil may kaakibat itong tulong na rehabilitasyon para sa mga magpo-positibo sa drug test.
“Simula noong ako’y maging pulis, kasama sa sinasabi sa amin na kayo’y mag-ikot, puntahan niyo ang ating mga kababayan, alamin niyo ang kanilang concerns, at i-disseminate sa kanila ang ating mga programa, kasama na diyan ang house visitations na ginagawa natin, kasama na diyan ang libreng drug test na ito naman ay ini-isponsor ng mga barangay officials.” Pahayag ni Eleazar
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview