Pinabulaanan ng World Health Organization (WHO) ang lumabas na ulat na umano’y airborne ang 2019 coronavirus disease COVID-19.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng WHO sa bansa, walang sapat na ebidensyang nakita ang organisasyon para masabing maaaring makuha sa hangin ang nasabing sakit.
Ani Abeyasinghe, madali maipasa ang virus sa lugar na maraming tao dahil mas malaki ang tyansa ng “close contact” nito sa taong taglay na ang sakit.
Gayunman, sinabi ng doktor na nakapagbigay na ang WHO sa Pilipinas ng “reagents” na makatutulong sa pagtest kung positibo o hindi sa sakit ang isang patient under investigation (PUI).
Kasabay nito, ipinabatid din ni Abeyasinghe na nakikita na nila ang unti-unting pagbaba ng kaso ng virus sa labas ng Wuhan, China.