Minaliit ng SSS o Social Security System ang report na isa sila sa mga ahensya ng pamahalaan na may pinakamaraming reklamo ng red tape.
Ayon kay Emmanuel Dooc, Pangulo at Chief Executive Officer ng SSS, normal lamang na malaki ang bilang ng mga maitatalang reklamo laban sa kanila dahil napakalaki rin ng bilang ng kanilang customers.
“Ang totoo po, kami po, hindi ko itinatanggi napakaraming reklamo sapagkat kami po ang may pinakamalaking customer base.”
“Ang rehistradong miyembro po namin ay 35,100,000 na indibidwal kaya kahit na po almost zero zero one percent lang ang may hinaing kung ‘yan po ay darating, napakalaki po dahil ang aming base ay napakarami.”
Ipinagmalaki ni Dooc na kamakailan lamang ay itinanghal naman sila bilang ahensyang may pinamataas na grado pagdating sa pagresolba ng mga reklamo ng SSS members.
“Kami po ang may pinakamataas na resolution rate, ibig pong sabihin, sa bilang ng dinalang reklamo o hinaing sa amin o mga katanungan, kami ang may pinakamataas na naresolba.”
“Kami po ay nagtamo ng antas na 91 plus percent.”
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Program (Interview)