Pinawi ng Malacañang ang agam-agam ng ilan na magiging mahirap na ang paninirahan sa Metro Manila.
Ito’y sa sandaling mabigo ang pamahalaan na maresolba ang inugat nang problema sa trapiko sa loob ng apat na taon.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., kumikilos na ang pamahalaan at determinado itong tugunan ang pangangailangan ng mga residente at mga nagtatrabaho sa National Capital Region gayundin sa mga karatig lalawigan.
Kabilang na aniya rito ang Metro Manila dream plan na inaprubahan ng National Economic Development Authority o NEDA board.
Nakasaad sa nasabing plano ang pagtutok sa mga rekomendasyon ng Japan International Cooperation Agency o JICA na tutugon sa matagal nang problema ng Mega Manila sa trapiko.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)