Hindi sinang-ayunan ng Malakanyang ang forecast ng moody’s analytics na isa ang Pilipinas sa mga bansa sa asia-pacific na huling makababangon mula sa recession na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang dapat ipag-alala ang mga Pilipino dahil patutunayan nilang mali ang pagtaya ng moody’s.
Sinabi ni Roque, isa sa dahilan kaya nagpasya ang pamahalaan na buksan muli ang ekonomiya ay upang makabawi ang bansa.
Kasabay na rin aniya rito ang pa-ulit-ulit na paalala ng pamahalaan sa mga manggagawa na mag-ingat at palagiang sundin ang mga panuntunan kontra COVID-19 sa kanilang pagpasok.
Nagpahayag din ng tiwala si Roque na mas bubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa ngayong taon.
Aniya, naranasan at nakita na ng buong bansa ang pinakamatinding maidudulot ng COVID-19 at nakatitiyak siyang hindi matatapos ang taon na hindi nababakunahan ang 50 hanggang 70 milyong na mga Pilipino.
I think mas prudent po ang ginawang approach ni Secretary Dominguez na hinay- hinay ang pangungutang, ang paggagastos, so ‘wag po nating gastusin ang mga salapi natin lahat-lahat na ‘di natin alam kung kailan matatapos itong pandemic na ito. Pero ‘wag kayong mag-alala we will disprove that forecast wrong, at ito po ang dahilan kung bakit tayo nagbubukas ng ekonomiya at palaging sinasabi sa ating mga kababayan na pag-ingatan ang buhay ng tayo ay makapaghanapbuhay,″ pahayag ni Roque.