Itinanggi ng kampo ni senatorial candidate Greco Belgica ang ulat na “perpetually disqualified” na siyang humawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Ayon kay Atty. Melchor Jaemond Aranas, legal counsel ni Belgica, wala namang inilalabas na anumang resolusyon ang comelec upang idiskwalipika ngayong May 9 elections ang dating chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Mali at misleading anya ang media reports hinggil sa estado ng kandidatura ni Belgica at nakabinbin pa rin ang kasong inihain laban sa kanya sa poll body.
Binigyang-diin ni Aranas na nakapagsumite naman ang dating PACC Official ng Statement of Contributions and Expenditures nito nang tumakbo rin sa pagka-senador noon namang 2013.