Nakatakda umanong magpadala ng “verbal note” ng pamahalaan ng Indonesia kina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr.
Ito ay upang hingan ng paliwanag sina Año at Locsin matapos ituro ang isang mag-asawang Indonesian na nasa likod umano ng kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan.
Batay sa ulat ng Indonesian news site na Beritasatu, ipadadala mismo ni Indonesian Ambassador to the Philippines Sinyo Harry Sarundajang ang nasabing liham.
Binigyang diin pa ni Sarundajang, ilang beses na aniyang iniuugnay ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Indonesians ang mga naganap na terrorist attacks sa bansa.
Tulad aniya ng pagsabog sa Lamitan, Basilan noong july 31, 2018 at Cotabato City noong bisperas ng bagong taon.
Gayunman, lumalabas aniya sa mga imbestigasyon na walang matibay na ebidensiyang direktang magtuturong sangkot ang mga Indonesians sa mga nabanggit na pagsabog.