Wala pang kumpirmasyon ang napaulat na isang Overseas Filipino Worker OFW na babae ang comatose ngayon sa isang ospital sa Kuwait.
Ayon kay Administrator Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, mayroon ring report na ang Norissa Manambit na di umano’y comatose sa isang ospital sa Kuwait ay namataan sa deportation center sa Dammam Saudi Arabia.
Gayunman, sinabi ni Cacdac na pinadalaw na niya sa pamilya ni Manambit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ang mga kinatawan ng OWWA upang payapain ang pamilya nito.
“Meron tayong initial report na parang hindi si Norissa Manambit ‘yun dahil si Norissa Manambit ay nasa isang center sa Dammam, so nasa Saudi pa rin siya kasi diba ang balita lumipat siya from Saudi to Kuwait, so ang inaalam natin ngayon ay kung sino ang nasa ospital doon sa Kuwait o kung meron mang comatose doon sa ospital sa Kuwait.” Ani Cacdac
Una nang napaulat na isang OFW ang natagpuang comatose sa isang ospital sa Kuwait na nalaman dahil sa isang kumalat na Facebook post.
Kamakailan lamang ay nagpatupad ang pamahalaan ng total deployment ban sa mga OFW sa Kuwait dahil sa mga napaulat na pang aabuso sa mga manggagawang Pinoy sa naturang bansa.
Pinakahuli nga dito ang kaso ni Joanna Demafelis na pinatay at natagpuan ang bangkay sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait.
(Ratsada Balita Interview)