Pinasinungalingan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang sinabi ng isang teachers group na umano’y mas pinapaboran ng administrasyon ang mga otoridad at iba pang uniformed personnel kumpara sa mga public school teachers pagdating sa usapin ng salary increase.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, walang basehan ang pahayag na ito ng Alliance of Concerned Teachers o ACT dahil pareho aniyang pinahahalagahan ng gobyerno ang tungkulin ng mga guro na taga-hubog sa kinabukasan ng mga kabataan at ng mga uniform personnel na siyang tagapangasiwa ng kaayusan at kapayapaan sa ating mga komunidad.
Paliwanag ni Año, unang tinaasan ang sweldo ng mga otoridad at militar dahil isa ito sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 maliban pa sa bigat ng nakaatang sa kanilang tungkulin tulad ng paglaban sa kriminalidad, iligal na droga, insurhensya at pagpapaigting ng ating national security.
Aminado si Año na hindi madali ang pay hike na hinihingi ng mga teacher lalo na’t tumaas na ang kanilang bilang sa tinatayang 830,000 kumpara sa 170,000 police officers lamang.
Nangangailangan aniya ng ibayong konsiderasyon ang usaping ito dahil sa posibleng malaking epekto nito sa mga Filipino taxpayer.
Ngunit kung matatandaan aniya, makailang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na ibibigay niya sa mga guro ang hirit nilang dagdag sweldo pero hindi pa sa ngayon dahil idinadaan pa ito sa masusing pag-aaral upang mahanapan ng mapagkukunan ng pondo.
Bunsod nito, hinimok naman ng DILG ang ACT na tumulong na lamang para mapataas pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa kaysa lagi na lamang pagbatikos sa gobyerno ang ginagawa.
Dagdag pa ni Año, kabilang din sa mga dapat na bantayan at pagtuunan ng pansin ng ACT ay ang pagkilos ng Communist Party of the Philippines sa pamamagitan ng katipunan ng gurong Makabayan o Kaguma.