Itinanggi ni Pope Francis ang mga ulat na maaaring handa na siyang magbitiw dahil umano sa malubhang sakit na kanyang dinaranas.
Nilinaw ni Pope Francis na kailanma’y hindi sumagi sa kanyang isip ang magbitiw o tularan ang kanyang hinalinhan na si Pope Benedict the 16th, na unang Papa mula noong middle ages na nag-resign.
Gayunman, muling ipinahiwatig ng Santo Papa na maaari lamang siyang magbitiw kung magiging mahina ang kanyang kalusugan para patakbuhin ang Simbahang Katolika.
Nang tanungin naman kung kailan ito mangyayari, sinagot ito ni Pope Francis na tanging diyos lamang ang makapagsasabi o naka-aalam.
Una nang inamin ni Lolo Kiko na nagkaroon siya ng “maliit na bali” sa kanyang tuhod, na ginamot sa laser at magnet therapy.
Dahil dito ay pinilit niyang ipagpaliban nang walang katiyakan ang pagbisita sa Africa sa Hulyo.