Pinaigting na ng Department of Agriculture – Region 7 ang kanilang pagbabantay sa lahat ng pork product sa Central Visayas upang hindi makapasok ang african swine fever virus.
Ito ang tiniyak ni DA-7 OIC–Regional Executive Director Joel Elumba sa kabila ng maling impormasyon na inilabas ng isang reporter sa national television noong Martes na may kaso ng ASF sa Dumaguete City.
Ayon kay Elumba, nananatiling ligtas kontra ASF ang pork products sa rehiyon sa pakikipagtulungan ng Regional Veterinary Quarantine 7 at Bureau of Animal Industry, lahat ng tanggapan ng provincial veterinary at mga beterinaryo.
Umaasa ang DA official na itatama ng tv network ang nauna nilang report.
Idinagdag ni Elumba na ang pagdedeklara ng ASF sa isang lugar ay dapat dokumentado at may lagda ng isang opisyal ng lgu at ng regional executive director ng DA.