Tinawag na fake news ng Commission on Elections (COMELEC) -Region 2 ang ulat na may grupo umanong nagpapa-shade ng mga balota sa mga botante.
Ayon kay Atty. Jerby Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC – Region 2 at election officer ng Cauayan City, Isabela, hinihintay pa nila ang pagdating ng mga official ballot at election paraphernalia sa rehiyon.
Lahat ng mga vote counting machine (VCM) ay dumating na sa Region 2 at naibigay na sa iba’t ibang mga lalawigan sa rehiyon habang ang mga official ballot ay ipapadala pa lamang sa mga provincial at city treasurer.
Nilinaw ni Cortez na wala pang mga balotang naipamigay sa mga lalawigan at lungsod sa rehiyon kaya’t maituturing na fake news ang sinasabing mayroon nang grupong nagpapa-shade ng mga official ballot.
Tiniyak din ng poll official na selyado ang mga official ballot at hindi basta mabubuksan ng sinuman.
Inaasahang darating sa Cauayan City ang mga balota isang linggo bago ang May 9 elections.