Itinanggi ng Department of Health (DOH) ang ulat na mayroon umanong kaso ng microcephaly ang mga bagong panganak na sanggol sa Doctor Jose Fabella Memorial Hospital sa Santa Cruz, Maynila, sa nakalipas na dalawang buwan.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, base sa kanilang evaluation sa hospital records ay hindi kabilang sa kategorya ng microcephaly ang mga hinihinalang kaso nito.
Sa anim anyang hinihinalang kaso, negatibo ang mga ito sa microcephaly o pagliit ng ulo ng mga sanggol subalit dalawa sa mga sanggol ang nakitaan ng macrocephaly habang ang dalawang iba pa ay small gestational age.
Ipinaliwanag ni Garin na hindi naman napakaliit ng ulo ng mga sanggol base sa isinagawang ultrasound tests at hindi rin nagpakita ang mga ito ng anumang neurological components na inuugnay sa microcephaly.
Be aware and alert
Kaugnay nito, muling nanawagan si Garin sa publiko na iwasan mag-panic sa halip ay maging alerto sa gitna ng unang kaso ng zika virus sa bansa.
Ayon kay Garin, bagaman mayroong kaso o nagkaroon na ng kaso ng zika sa Pilipinas, walang dapat ipangamba sa ngayon ang publiko lalo’t wala namang epidemya o outbreak.
Ang mahalaga anya ay “aware” at maging alerto ang bawat isa sa halip na mag-panic.
Inihayag ng kalihim na patuloy nilang tinutunton ang mga lugar na pinuntahan sa bansa ng Amerikanang nakitaan ng sintomas ng zika virus.
WHO
Nanawagan na ang United Nations-World Health Organization ng agarang research sa iba’t ibang strain ng zika virus.
Inabisuhan din ng WHO, ang mga health ministry ng mga bansang apektado ng virus na maghanda sa posibleng pagtaas ng bilang ng insidente ng neurological syndromes o congenital malformations.
Hindi rin dapat bumiyahe ang mga buntis sa mga lugar kung saan laganap ang virus subalit wala pang pasya ang naturang international organization kung maghihigpit din sa general trade.
Tiniyak naman ng WHO na puspusan na ang kanilang hakbang upang mabawasan ang kaso ng zika virus at maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang panig ng mundo.
By Drew Nacino