Bineperipika pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na may Pinoy na nadamay sa nangyaring stampede sa kasagsagan ng Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia na kumitil ng mahigit sa 700 at mahigit 800 injured.
Ito ay sa kabila ng unang naging pahayag ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose na walang Pinoy na nadamay sa stampede base sa ipinarating na impormasyon ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Ayon kay Vice Consul Alex Estomo, sa report na nakarating sa kanyang tanggapan mula sa mga kinatawan ng National Commission on Muslim Filipino, walang nadamay na mga pilgims galing ng Pilipinas.
Bagamat may natanggap aniya silang ulat na may isang Pinoy local pilgrim na nasawi sa stampede.
“Meron daw po kasing narekober na bag ng isang nasawi and may nakita doon na mga id’s and ni-report ng nakakuha sa kanyang employer, pero yun nga inaalam pa natin yung identity ng nasawi.” Pahayag ni Estomo.
Sinabi din sa DWIZ ni Vice Consul Alex Estomo na tumulak na pa-Mecca ang isang team nila para alamin ang detalye ng nasabing report.
“On the way na po yung team from Philippine Consulate Jeddah papuntang Mecca para mag-collect ng mga information to verify this particular report na merong ngang isang local pilgrim na nadamay sa insidenteng ito.” Ani Estomo.
By Mariboy Ysibido | Judith Larino | Ratsada Balita