Biniberipika na ng pamahalaan ang ulat na may mga barko ng China ang namataan sa Pag-asa Island na kabilang sa mga pinag-aagawang isla na okupado ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kumikilos na ang DFA o Department of Foreign Affairs upang siyasatin ang mga umano’y umaaligid na barko ng China sa nasabing isla.
Sa katunayan, sinabi ni Abella na nakipag-ugnayan na rin aniya ang DFA sa iba’t ibang national security agencies upang magpatulong na alamin kung totoo ang nasabing balita.
Batay sa ulat, plano umano ng China na okupahin ang isang sandbar na nasa kanlurang bahagi ng Pag-asa Island na isa sa anim na islang bumubuo sa municipality of Pag-asa sa Palawan.