Tinawag na raw information ng WESMINCOM o Western Mindanao Command ang lumutang na maraming labi ng mga residente ang natagpuan sa Marawi City at namatay umano ang mga ito dahil sa kagutuman.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni WESMINCOM Chief Lt. General Carlito Galvez sa gitna nang patuloy na pakikipagbakbakan ng mga sundalo sa Maute group sa Marawi City.
“Wala pa tayong confirmation mga raw information pa lang po yun, continuous pa rin ang ating operations, we’re now on the 31st day of our operations.”
Kasabay nito, sinabi ni Galvez na halos limampung 50 sundalo na ang nasasawi at mahigit dalawandaang (200) terorista sa ika-31 araw nang sagupaan sa Marawi City ngayong araw na ito.
“May mga nakukuha kaming armor na talagang metal cast, may shield sa bullet, mga bala nila mga bago, may mga imported, may mga kagamitan na ibang advanced pa sa amin, yung sniper-rifle nila mas enhanced pa.” Pahayag ni Galvez
Food aid
Samantala, nanawagan ng karagdagang pagkain ang Marawi crisis management committee para sa mga evacuees.
Ayon sa tagapagsalita ng komite na si Zia Alonto Adiong, mangangailangan ng mas maraming pagkain ang mga evacuees sa pagtatapos ng Ramadan sa Lunes kung saan ay kinakailangan aniya nilang mamahagi ng pagkain ng tatlong beses sa isang araw.
Sinabi ni Adiong na aabot na sa walong (8) milyong piso ang nagagastos ng pamahalaan para sa isang buwan nang suplay ng pagkain ng mga lumikas dahil sa kaguluhan sa Marawi.
Sa Eid’l fitr tinatapos ng mga kapatid nating Muslim ang isang buwan nilang pag-aayuno.
By Judith Larino / Balitang Todong Lakas (Interview) / Ralph Obina
Ulat na mga namatay dahil sa gutom sa Marawi raw info—AFP was last modified: June 23rd, 2017 by DWIZ 882