Hinihintay na lamang ng DMCI ang closure order mula sa Department of Environment and Natural Resources o DENR laban sa subsidiary nitong South Davao Development Company o SODACO.
Ito’y makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Environment Secretary Roy Cimatu ang pagpapatigil sa logging operations ng naturang kumpaniya sa bahagi ng Zamboanga Peninsula.
Ayon kay DMCI Chairman Isidro Consunji, sa katunayan aniya’y wala silang alam sa naturang suspension order kaya’t mainam aniyang hintayin muna nila iyon bago sila makapagpalabas ng anumang reaksyon.
Kasunod nito, bumuwelta rin si Consunji kay Agriculture Secretary Manny Piñol makaraang isisi sa SODACO ang pagkasawi ng mahigit 70 residente ng Zamboanga Peninsula dulot ng flashflood na dala ng bagyong Vinta noong isang taon.
Posible aniyang ibinatay lamang ng kalihim ang ulat nito kay Pangulong Duterte sa mga hilaw o premature na mga konklusyon na hindi dumaan sa masusing imbestigasyon.
—-