Hindi pa makumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na dinala na sa Sulu ang 1 Pilipina at 3 dayuhang dinukot sa Samal Island kamakailan.
Ito ay makaraang ihayag ni Davao Mayor Rodrigo Duterte na nasa Sulu na umano ang grupong dumukot sa mga biktima.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, beniberipika pa nila ang ulat na ito gayundin ang ulat na nakuha ang bangkang ginamit ng mga kidnapper.
Gayunman, pinapalawak pa ng AFP ang ginagawa nilang search and rescue operations para sagipin ang mga bihag.
“Kasalukuyan po inaantay po ng ating task group diyan yung hiningi nilang validation.” Pahayag ni Padilla.
Grupong nasa likod
Sa ngayon ay blangko pa rin ang mga otoridad kung anong grupo ang nasa likod nang pagdukot sa 3 dayuhan at 1 Pilipina sa Samal Island.
Ito ayon kay AFP Spokesman Lt. Col. Restituto Padilla ay bagamat tuluy-tuloy naman aniya ang pagdating ng mga impormasyon sa kanila kasabay ang pinaigting na pagtugis sa mga suspek.
Sinabi pa sa DWIZ ni Padilla na wala pang lumulutang na grupong dumukot sa mga biktima bagamat kilalang baluwarte ng Abu Sayyaf group ang sinasabing pinaldahan sa mga bihag.
“Sa ngayon po wala pong umaamin at walang lumalantad na grupo na nagsasabing sila ang nagsagawa ng abduction, hindi pa din po nagkakaroon ng pag-contact ang grupo sa mga pamilya ng mga nadukot sa ating pagkakakaalam, so hangga’t hindi po natin nakukumpirma ito mahirap pong magsabi kung sino talaga, but by all indications itong mga reports na dumadating ngayon, napakahalaga po nito, puspusan po nating binibigyang pansin at tinutuunan ng panahon para ma-validate ang lahat ng impormasyon na ito.” Dagdag ni Padilla.
By Rianne Briones | Judith Larino | Kasangga Mo Ang Langit