Mariing itinanggi ng Philipphine National Police (PNP) ang ulat hinggil sa nangyaring pag-aresto ng pulisya at pagkukulong sa isang mamamahayag sa Cebu City nitong Huwebes, Hulyo 2.
Ito’y makaraang ilathala ng online news site na Rappler na napasama ang reporter ng pahayagang Banat na si Sheriza Uy sa mga inarestong rallyista sa lungsod dahil sa paglabag umano sa quarantine protocols.
Ayon kay PNP spokesman P/BGen. Bernard Banac, mali ang nasabing ulat dahil mismong si Uy ang naglinaw na hindi siya inaresto ng mga pulis.
Sa post mismo ni Uy sa kaniyang Facebook account, sinabi nito na totoong pinigilan siya ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) ng PNP sa Anti-Terror Law rally subalit hindi naman siya ikinulong.
Humingi pa ng paumanhin si Uy sa naidulot na stress ng nasabing ulat laban sa mga pulis habang itinuwid naman na ng rappler ang kanilang naunang ulat.