Tinawag na fake news ni Defense Sec. Deflin Lorenzana ang mga kumakalat na larawan sa social media hinggil sa pagtatapon umano ng mga barko ng Tsina ng dumi ng tao o human waste sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, ang mga kumalat na larawan ay hindi sa West Philippine Sea kung hindi sa Great Barrier Reef na nasa Australia at kuha noon pang Oktubre 2014.
Nakasaad sa larawan na hindi rin human waste kung hindi mga hinukay na lupa dulot ng dredging ang itinapon sa Great Barrier Reef na sa unang tingin ay dumi ng tao.
Una rito, inilabas sa ulat ng website na simularity.com ang ginagawang paglapastangan ng Tsina sa mga artipisyal na isla at bahurang nakapaloob sa South China Sea.
Dahil dito, nanawagan si Lorenzana sa publiko na huwag basta-basta pumatol sa mga nagpapakalat ng maling balita sa social media lalo’t kung gumagamit ng mga lumang larawan.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)