Naalarma ang mga senador sa report ng World Health Organization (WHO) na pinakamabilis tumaas ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Pilipinas sa hanay ng mga bansa sa Western Pacific Region.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto, dapat tingnan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang protocols at mga programang ipinatutupad laban sa COVID-19 dahil malinaw anya na mayroong mali sa kasalukuyang sitwasyon.
Sinabi ni Sotto na posibleng kulang tayo sa mas agresibong research para sa gamot at mabagal na contact tracing.
Kawalan naman ng malinaw na guidance sa surveillance at epidemiological monitoring ang nakikitang kakulangan ni Senador Joel Villanueva na nagresulta sa datos ng WHO.
Samantala, sa panig ni Senador Panfilo Lacson, malinaw anya na nagkaroon ng mishandling sa parte ng Department of Health (DOH).
Pinuna ni Lacson na lalong nakasasama sa sitwasyon ang sobra-sobrang tiwala na ipinakikita ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque.