Patay ang isang lalaking rubber plantation worker matapos pagbabarilin sa Lamitan City, Basilan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Bhis Isniyan Asdali, 52- anyos.
Mag-a-ala-7 noong Sabado ng gabi nang paulanan ng bala ng hindi nakilalang salarin si Asdali habang nakaupo sa terrace ng kanyang bahay sa Sitio Muhibal, Barangay Campo Uno.
Narekober sa Crime Scene ang anim na basyo ng bala at clip ng garand rifle.
Itinanggi naman ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo ang naunang ulat na kaanak ni Dr. Chao Tiao Yumol ang biktima.
Si Yumol ang suspek sa pagpatay kay dating Lamitan City Mayor Rose Furigay at dalawa pa sa loob ng Campus ng Ateneo De Manila University noong July 24.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Lamitan City Police kabilang ang pagtukoy sa motibo sa pamamaslang kay Asdali.