Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na nagsanib-pwersa na ang ilang teroristang grupo sa Mindanao upang umanib sa grupong ISIS o Islamic State.
Ito’y sa kabila ng mga video at dokumento na nagpapakitang magkakasama ang mga miyembro ng Maute Group at Anzar Al-Khilafa na nagsasanay gumawa ng bomba.
Ayon kay AFP Pio Chief, Col. Edgard Arevalo, bagaman nag-uusap ang mga nasabing terrorist group, wala pa silang natutukoy na partikular na aktibidad na isinagawa ng mga bandido.
Naniniwala rin si Arevalo na tanging ang Maute ang nasa likod ng pambobomba sa Roxas night market sa Davao City noong September 2.
Gayunman, hindi anya nila isinasantabi ang posibilidad ang mga ulat na nagsanib-pwersa na ang lahat ng terorista sa Mindanao.
Ibinase ang ulat sa kumalat na video na nagpapakita na magkasamang nagdiwang ng Eid’l Fitr ang mga miyembro ng Maute Group, Anzar Al-Khilafah Philippines o AKP at mga bandido mula Cotabato sa Butig, Lanao del Sur, noong Hulyo.
Kasama sa video ang mga leader ng Maute na sina Omar, Abdullah at Mohammad Khayyam Maute at pinuno ng AKP na si alyas Tokboy maging ang isa sa mga nahuling suspek sa Davao City bombing na si TJ Macabalang.
Base sa intel report, naganap ang pulong ng mga terror group matapos bumisita ang Maute sa balwarte ng AKP sa Maasim, Sarangani Province kung saan nagkasundo ang mga ito na magsanib-puwersa.
By Drew Nacino